Nakamit ng Department of Justice ang panibagong tagumpay sa paghatol ng isang Australian national na permanenteng naninirahan sa Pilipinas mula noong 2011 sa ilalim ng special resident retirement visa, dahil sa panggagahasa sa isang Pinay.
Sa isang 24-pahinang desisyon, hinatulan ng Regional Trial Court ng Malolos, Bulacan, Branch 78 ang suspect na kinilalang si Ronald Ian Cole aka “Ric,”.
Guilty beyond reasonable doubt ang naging hatol laban kay Cole para sa kasong may kinalaman sa panggagahasa sa ilalim ng Revised Penal Code, na sinususugan ng Republic Act (R.A.) No. 8353.
Hinatulan ni Judge Golda Pablo-Salamat si Cole ng parusang reclusion perpetua at inatasan na bayaran ang kanyang biktima ng P225,000.00 bilang danyos.
Nag ugat ang kaso matapos na maghain ng reklamo ang biktima na siya ay gahasain nito ng ilang beses.
Itinanggi ng akusado ang lahat ng akusasyon at paratang laban sa kanya na gawa-gawa lamang at maling akala dahil sa paggamit ng droga.
Paliwanag pa ng korte sa naging desisyon nito na ang panggagahasa ay isang krimen na palaging ginagawa nang isolated o palihim.
Dahil dito, ang akusado ay maaaring mahatulan ng panggagahasa batay sa nag-iisang testimonya ng biktima kung ang gayong testimonya ay lohikal, kapani-paniwala, pare-pareho at nakakumbinsi.
Dagdag pa ng korte na ang nagrereklamo ay sapat na nailatag ang katotohanan ng panggagahasa at itinuri ang akusado bilang nakakikilala sa kanya.
Nahaharap din ang akusado sa ibang kaso partikular na ang qualified trafficking in persons involving minors na pending pa rin sa ibang korte.