Ikinatuwa ni Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” C. Remulla ang naging hatol sa apat na pulis na bumaril-patay sa mag-ama sa isinagawang anti-illegal drug operation noong 2016.
Ito ay habang ibinaba ng Caloocan City Regional Trial Court (RTC) Branch 121 ang hatol nitong guilty laban kay Police Master Sgt. Virgilio Servantes at Police Corporal Arnel De Guzman, Johnston Alacre at Argemio Saguros, Jr para sa kasong homicide.
Ayon kay Remulla, ang paghatol na ito ay isang milestone sa criminal justice system ng bansa.
Ito rin aniya ay isang testamento ng hindi natitinag na pagsisikap ng pamahalaan na pangalagaan ang mga karapatang pantao sa paghahangad ng hustisya at isang malinaw na patunay ng gumaganang sistema ng hustisya sa Pilipinas.
Dagdag pa ng kalihim na Ito ay nagsisilbing paalala sa mga abusadong opisyal ng pulisya na walang sinuman ang higit sa batas at ang sinuman na mapatunayang magkasala ay tiyak na mananagot.
Kinilala naman ni Remulla ang mga prosecutor ng ahensya dahil sa matagumpay na pagtiyak ng paghatol sa kasong ito na maituturing na tagumpay laban sa umano’y “mga iregularidad” sa War on Drugs ng nakaraang administrasyon.