Inobliga ngayon ng Department of Justice (DoJ) ang KAPA community ministry na magsumite ng kanilang mga kontra salaysay sa susunod na preliminary investigation kaugnay sa mga kasong isinampa sa kanila ng Securities and Exchange Commission (SEC).
Sa isinagawang pagdinig ng DoJ sa reklamo laban sa KAPA, sinabi ni Department of Justice (DoJ) Assistant State Prosecutor Zenamar Machacon-Caparros na kailangang magsumite ng counter affidavit ang mga akusado kundi ay idedeklara nang submitted for resolution ang kaso.
Sa isinagawa ngang pagdinig kanina ay no show lahat ang mga inirereklamo na mga miyembro ng KAPA kabilang na ang kanilang founder na si Joel Apolinario at ang board of trustee na si Margie Danao, corporate secretary Reyna Apolinario at mga opisyal na sina Marisol Diaz, Adelfa Fernandico, Moises Mopia, Catherine Evangelista at Rene Catubigan.
Sa pagtatanong ng Bombo Radyo Philippines kay SEC Director Jose Aquino, sa susunod na hearing ay ihaharap na nila ang kanilang mga testigo na aabot sa anim na katao.
Sa katunayan, sa hearing kanina ay present na ang dalawang witness na si Bryant Simonde Chang at Bryan Bautista, mga imbestigador ng SEC.
Porman namang pinanumpaan nina Aquino, Chang at Bautista ang kanilang affidavit kay Department of Justice (DoJ) Assistant State Prosecutor Zenamar Machacon-Caparros.
Isasagawa ang susunod na hearing sa Hulyo 15.
June 18, nang isampa ng SEC ang kanilang reklamo laban sa KAPA dahil sa paglabag sa sections 8 at 28 ng Securities Regulation Code.