Inatasan na ng Department of Justice (DOJ) ang National Bureau of Investigation (NBI) na magsagawa ng imbestigasyon kaugnay sa pagpaslang kay Los Baños, Laguna Mayor Caesar Perez.
Sa inilabas na memorandum na may petsang Disyembre 4, nagbaba na ng direktiba si DOJ Usec. Adrian Ferdinand Sugay kay NBI officer-in-charge Eric Distor na maglunsad ng pagsisiyasat at posibleng case buildup laban sa mga nasa likod ng pangyayari.
“The NBI, through Officer-in-Charge Eric B. Distor, is hereby directed and granted authority to conduct an investigation and case build-up relative to the death of Mayor Caesar Perez of Los Baños, Laguna and, if evidence warrants, to file the appropriate charges against persons found responsible,” saad ni Sugay.
Una rito, base sa report ng pulisya, binaril ng mga hindi pa nakikilalang suspek ang alkalde sa likod ng town hall building dakong alas-8:40 ng gabi.
Pinaghahanap na sa ngayon ng mga kinauukulan ang dalawang posibleng suspek na nasa likod ng pamamaslang base sa CCTV footage mula sa mga kalapit na establisyimento.
Ayon naman sa mga pulis, namataan nila ang dalawang lalaking may suot na face mask na nasa lugar bago pa man mangyari ang krimen.
Sinasabing kasama si Perez sa listahan ng mga pulitikong mayroon umanong ugnayan sa transaksyon ng iligal na droga.