Inilunsad ng Department of Justice (DOJ) ang Human Rights Office (HRO) at Gender and Development Special Protection Office (GSPO).
Sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na sa paglulunsad ng dalawang tanggapan, tutuparin ng departamento ang mandato nito na palaganapin ang kamalayan tungkol sa mga pangunahing karapatang pantao sa ilalim ng Republic Act 9201.
Ang RA 9201 o ang National Human Rights Consciousness Week Act of 2002 ay nag-uutos sa lahat ng ahensya ng gobyerno na itaas ang kamalayan mula Disyembre 4 hanggang Disyembre 10.
Aniya, nagsisilbi itong malinaw na panawagan para sa pagsulong at proteksyon ng karapatang pantao para sa mga darating na taon.
Una na rito, ang Human Rights Office ay nilikha sa ilalim ng Department Circular 032 habang ang Gender and Development Special Protection Office ay nilikha sa ilalim ng Department Order 402.