-- Advertisements --

Isinusulong ngayon ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang pagsasagawa ng imbestigasyon ukol sa proseso kung bakit palalayain ang isang convicted sa korte sa kasong panggagahasa at pagpatay na si dating Calauan, Laguna mayor Antonio Sanchez.

Matatandaang si Sanchez ang itinuturong utak sa pagdukot, panghahalay at pagpatay kay Eileen Sarmenta at pagpapahirap at pagpatay naman kay Allan Gomez noong 1993.

Ayon kay Drilon sa panayam ng Bombo Radyo, sila ang nagsikap noon sa DoJ na maipakulong ang dating alkalde at mga kasabwat nito.

Nais ipatawag ng senador si Justice Sec. Menardo Guevarra at ang mga opisyal ng Board of Pardons and Parole (BPP) upang mabusisi ang ginawang proseso para maikunsidera sa pagpapalaya ang isang convicted sa pitong habambuhay na pagkakabilanggo.

“Ating aalamin sa senado, mag-file ako ng resolution at hihingi ako ng imbestigasyon at alamin kung tama ba ang ginagawa ng BPP tungkol dito. Tayo po ang nagpakulong at nagbigay ng hustisya sa pamilya Sarmenta noong tayo ay DOJ secretary,” wika ni Drilon sa panayam ng Bombo Radyo.

Hangad ng minority leader na i-hold muna ng DoJ ang release kay Sanchez, habang hindi pa naipapaliwanag ang isyu.

Maliban sa mga kinasangkutang krimen, natukoy din ang dating alkalde na sangkot sa pagbebenta ng droga sa loob ng New Bilibid Prisons (NBP) at pagkakaroon ng magarbong pamumuhay sa loob ng national penitentiary.

Samantala, umusbong naman ang maraming tanong ni Sen. Sonny Angara sa kaso ni Sanchez.

Kabilang na rito ang usapin kung anong epekto ng nagawa nitong pagtatago ng milyong halaga ng shabu sa loob ng religious image habang nakakulong, kung sakop ba ng konsiderasyon sa pagpapalaya ang paulit-ulit na mga kasalanan nito at iba pa.

Nais ding mabatid ni Angara kung nakonsulta ba ang mga kaanak at kaibigan ng mga biktima sa hakbang na palayain ang convicted na alkalde.

“If the person had committed a crime while in prison, like stashing shabu inside the statue of the Blessed Virgin Mary, does this not affect his chances of clemency or even forfeits it? In his ledger of sins, does the commission of a new crime cancel whatever penalty was extinguished by previous good conduct? Does the new law cited by the DOJ exempt “recidivists, habitual delinquents, escapees and persons charged with heinous crimes” from its coverage or does it take the likes of Sanchez from its purview? Lastly, in the grant of clemency, should the friends and family of the victims be mandatorily consulted , and in fact, as the ones directly suffering from the loss, be the first to be solicited of their views, and should the latter be given much weight?” wika ni Angara.

Nitong Huwebes, naghain na si Drilon ng resolusyon para imbestigahan ng Senado ang planong pagpapalaya kay Sanchez.