Hihingi ng paglilinaw ang Department of Justice (DOJ) sa Office of the Ombudsman kung ang mga kasong graft laban kay dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo ay tama na inihain ng mga prosecutor sa Tarlac regional trial court (RTC) sa halip na sa Sandiganbayan.
Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, sa ilalim ng batas, ang mga mababang hukuman ay may hurisdiksyon sa mga kaso na kinasasangkutan ng mababang ranggo na mga opisyal ng gobyerno habang ang Sandiganbayan ay may orihinal na hurisdiksyon sa mga ranking official.
Maaari kasi aniyang na-oversight lang o hindi natignang mabuti kung bakit sa RTC inihain ang graft chrages laban sa ex-mayor gayong salary grade 30 na ang isang alkalde ng Bamban. Ang salary grade (SG) 30 ng gobyerno ay mula PHP189,000 hanggang PHP211,000.
Sinabi naman ni Justice Sec. Remulla na dapat sa Sandiganbayan isampa ang mga kaso laban sa mga empleyadong kumikita ng hindi bababa sa SG 26.
Una rito, kinuha ng Philippine National Police (PNP) ang kustodiya ng na-dismiss na alkalde matapos ipag-utos ng Capas RTC Branch 109 ang pag-aresto sa kanya para sa kasong graft.