Kinumpirma ng Department of Justice ang promosyon ng aabot sa 68 prosecutors at appointment ng 54 na iba pa.
Ginawa mismo ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang anunsyo kasabay ng paghihikayat sa mga ito na sundin ang “zero-backlog policy.”
Sa isang pahayag, sinabi ng DOJ na sa 122 prosecutors, lima ang mula sa Office of the Secretary of Justice Prosecution Staff (OSJPS) na na-promote.
Ang iba naman sa nasabing numero ay mula sa mga rehiyon ng Ilocos, Cagayan Valley, Central Luzon, Mimaropa, Calabarzon at Metro Manila.
Ayon kay Remulla, ang pinakamataas na posisyon na iginawad ay Prosecutor V at Prosecutor IV, na ibinigay naman sa mga nakatalaga sa Office of the Secretary of Justice Prosecution Staff, regional, provincial at city prosecution offices.
Dahil dito ay inaasahan ng ahensya na matugunan ang kasalukuyang mabigat na trabaho sa prosecutorial force at matiyak ang mabilis na paglutas ng mga kaso.
Layon din nito na muling buhayin ang tiwala ng mga tao sa criminal justice system ng bansa.