Kinumpirma ng Department of Justice na mayroon ng suspek sa naganap na kidnapping at pagpaslang kay Anson Que na negosyanteng Filipino-Chinese sa bansa.
Ito mismo ang kumpirmasyong inahayag ng naturang kagawaran sa naganap na pulong balitaan ngayong araw alinsunod sa nabanggit na insidente ng pagpatay.
Ayon kay Department of Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, mayroon na silang tinitingnan suspek na posibleng nasa likod ng krimen.
Pati ang motibo o mga teorya sa ginawang pagpaslang ay kanila na ring iniimbestigahan katuwang ang National Bureau of Immigration, Philippine National Police pati ang ilan pang ahensya ng gobyerno.
Ngunit sa kabila ng kumpirmasyong ito, tumanggi muna silang magbahagi ng karagdagang detalye o impormasyon kaugnay sa kasalukuyang imbestigasyon.
Maalala na ang negosyanteng Filipino-Chinese ay natagpuang patay kasama ang kanyang driver sa Rodriguez, Rizal buhat ng ito’y mawala dalawang linggo ang makalipas.
Kaya naman kasunod ng pagpaslang sa naturang negosyante, inihayag ni Department of Justice Jesus Crispin Remulla ang pagbubuo ng isang Task Force Anti-Kidnapping.
Kung saan katuwang dito ng kagawaran ang Philippine National Police at National Bureau of Investigation na naglalayong magkaroon ng tiyak na koordinasyon sa pagitan ng mga ahensiya ng gobyerno.
Aniya’y magsisilbi ito upang maresolba na ang kaso at magkaroon ng resolusyon sa nangyaring kidnapping at pagpatay kay Anson Que.