MANILA – Isasama na rin ng Department of Justice (DOJ) ang “liability” o pananagutan ng local government officials sa bagong guidelines ng pamahalaan laban sa COVID-19.
Ito ang inamin ni Justice Sec. Menardo Guevarra, kasabay ng inaasahang release ng panuntunan sa pag-aresto ng mga lumalabag sa health protocols.
Sa ilalim daw ng bagong guidelines, minamandato ang barangay officials na magpatupad ng health protocols sa kanilang sakop na lugar.
“Kasi sila (barangay officials) ‘yung may direct contact… nasa grassroots sila, una dapat nakakaalam sa mga pali-paligid,” ani Guevarra sa panayam ng DZBB.
Kamakailan nang kumalat sa social media ang larawan ng “mass gathering” sa isang resort sa Caloocan City.
Pati na ang swimming ng isang pamilya sa Quezon City.
Ayon kay Guevarra, paparusahan sa batas ang mga barangay officials na mapapatunayang mabibigo sa pagpapatupad ng panuntunan sa kanilang lugar.
Kabilang sa mga posibleng harapin ng mga opisyal ng barangay ay administrative at criminal liability, at penalty sa ilalim ng Local Government Code.
Pati na ang parusa na nakasaad sa Revised Penal Code dahil sa “dereliction of duty.”
Kamakailan nang i-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na aresutuhin at ikulong ang mga local officials na magkukulang sa pagpapatupad ng health protocols.