-- Advertisements --
Sulu encounter AFP

Nakatakda ngayong mag-isyu ang Department of Justice (DoJ) ng subpoena sa mga pulis na sangkot sa pagkamatay ng apat na sundalo sa Jolo, Sulu. 

Sinabi ni Prosecutor General Benedicto Malcontento na hindi naman nila ire-require sa siyam na pulis na personal na magpakita sa DoJ pero pinasasagot nila ang mga ito sa alegasyon sa loob ng 10 araw.

Kung maalala siyam na police officers ang akusado sa pagpatay at pagtatanim ng ebidensiya sa mga sundalo ng Philippine Army (PA) noong Hunyo 29.

Ang chief of police naman at dalawang opisyal ng Sulu police ay inireklamo rin dahil umano sa neglect of duty.

Ang apat na sundalo na kinabibilangan ni Major Marvin Indamog, Captain Irwin Managuelod, Sergeant Eric Velasco at Corporal Abdal Asula ay nasa kanilang misyon para huliin ang sinasabing dalawang babaeng suicide bombers nang pagbabarilin ng mga pulis sa Barangay Walled City.

Sa imbestigasyon naman ng National Bureau of Investigation (NBI), karamihan sa mga sundalo ay nagtamo ng tama ng bala sa kanilang likuran.

Lumalabas din sa imbestigasyon na ang mga balang tumama sa mga sundalo ay galing sa gamit na service firearms ng mga sangkot ng PNP personnel.