Nakatakda na raw magtalaga si Prosecutor General Benedicto Malcontento ng state prosecutors na magsasagawa ng imbestigasyon sa reklamong isinampa laban kay Julian Ongpin dahil sa pagkamatay ng artist na si Bree Johnson.
Una rito, kinumpirma ni Justice Sec. Menardo Guevarra na magsasagawa ng ng preliminary investigation sa drug complaint na inihain sa 29-anyos na suspek at anak ng bilyonaryong business magnate na si Roberto Ongpin.
Kung maalala ang nakababatang Ongpin ang huling kasama ng painter na si Jonson bago ito namatay sa La Union.
Sinabi ng kalihim na kontrobersiyal ang naturang kaso kaya nais niyang matiyak na maayos ang paghawak ng Department of Justice (DoJ) sa naturang reklamo.
Tumanggi namang magbigay si Guevarra ng reaksiyon sa pansamantalang paglaya ni Ongpin kahit natagpuan ng PNP ang 12 gramo ng cocaine sa kanilang hotel room.
Aniya, mahirap daw munang magkomento sa ngayon dahil magsisimula pa lamang ang preliminary investigation.
Una rito, nagsampa ng kaso ang San Juan, La Union police matapos marekober sa kanilang silid ang naturang droga.
Pero ipinag-utos naman ng local prosecutor na palayain ang suspek dahil nananatiling pending ang kaso.