-- Advertisements --
DOJ

Mariing kinokondena ng Department of Justice ang anumang uri ng nagpapatuloy na mga karahasan at pang-aabuso laban sa mga bata.

Ginawa ng ahensya ang pahayag kasunod ng pagkamatay ng isang grade 5 pupil matapos na sampalin umano ng kanyang guro.

Kaugnay nito ay pinaalalahanan ng Justice Department ang mga guro na sila ang may hawak ng tiwala at responsibilidad sa buhay ng mga bata dahil sila ang itinuturing na pangalawang magulang sa paaralan.

Ang anumang pag-abuso sa tiwalang ibinigay sa kanila ay isang uri ng pagtataksil sa batas.

Nakasaad rin sa Department of Education Child Protection Policy na mayroong Zero Tolerance para sa lahat ng uri ng pang aabuso at violence.

Ipinagbabawal rin aniya ng DepEd ang anumang corporal punishment.

Ang sinumang guro na mapatunayang nagsagawa nito ay mahaharap sa kasong administratibo at kasong kriminal.

Samantala kinumpirma ng DOJ na ang 14 anyos na biktima ay nakaranas ng matinding pananakit ng ulo, pagkahilo, pananakit ng tenga at pagsusuka matapos na sampalin ng kanyang guro sa Penafrancia Elementary School in Antipolo City.

Iginiit rin ng ahensya na ang mga bata/learners ay may karapatang magkaroon ng ligtas at nurturing na kapaligiran na kung saan maaari silang lumago , matuto at umunlad ng walang takot ng pang-aabuso.