Muling nanawagan ang Department of Justice sa puganteng pastor na si Apollo Quiboloy na lumutang na at tigilan na ang pagtakas sa batas.
Umaasa si Justice Assistant Secretary and Spokesperson Mico Clavano na haharapin ni Quiboloy ang mga patong-patong na kaso laban sa kaniya para makag-presenta ito ng mga ebidensiya na magpapaliwanag ng kanyang panig.
Nilinaw rin ni Clavano na hindi pa naka-kansela ang passport ni Quiboloy dahil wala pang motion mula sa prosecution para kanselahin ito ngunit humingi na raw ang kanilang kagawaran ng hold departure order.
Hindi naman daw tumitigil ang National Bureau of Investigation para matukoy ang kinaroroonan ni Quiboloy.
Si Kingdom of Jesus Christ Pastor Apollo Quiboloy nga ay nahaharap sa patong-patong na kaso gaya ng sexual abuse at human trafficking. Nitong Abril, naglabas ng warrant of arrest ang korte sa Davao at Pasig ngunit magpahanggang ngayon ay hindi pa lumulutang si Quiboloy at patuloy na pinaghahahanap ng mga awtoridad.