-- Advertisements --

Nirerepaso na ng Department of Justice (DOJ) ang imbestigasyon na ginawa ng National Bureau of Investigation (NBI) sa mga bantang binitawan ni VP Sara Duterte noong huling bahagi ng 2024.

Maaalalang sinabi noon ng Pangalawang Pangulo na may nakausap na siyang papatay kina Pangulong Ferdinand “BBM” Marcos Jr., First Lady Liza Marcos, at House Speaker Ferdinand Martin Romualdez kung sakaling siya ay ipapapatay, bagay na agad namang inimbestigahan ng NBI.

Ayon kay Prosecutor General Richard Fadullon, kailangan pa ring kilatisin ang imbestigasyong isinagawa ng naturang ahensiya.

Dito ay tutukuyin nila kung kailangan pa ba itong ibalik sa NBI at kung may pangangailangang magkaroon pa ng dagdag na case build-up para madagdagan ang ebidensiya. Kung hindi man, maaari ring ikonsidera ito bilang ‘filed’ na.

Una nang natapos ng NBI ang report nito at ayon kay Director Jaime Santiago, ang binuo nilang report ay base sa kung anong impormasyon na kanilang hawak.

Una kasing inimbitahan ng NBI si VP Sara para sana matanong ukol sa kaniyang pagbabanta ngunit tumangging dumalo ang Pangalawang Pangulo.

Ayon kay Dir. Santiago, lahat ng mga nakalap nilang ebidensiya at mga testimonya ay bahagi ng kanilang binuong report.

Ayon naman sa DOJ, kung matutukoy sa kanilang evaluation o panibagong pagrepaso na mayroon nang pangangailangan para sa preliminary investigation, dito na nila opisyal na sisimulan ang paunang imbestigasyon.