Binigyang-diin ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang pangako ng Department of Justice na suportahan ang paggunita ng 126th Anniversary Proclamation of the Philippine Independence.
Ayon sa ahensya,ang DOJ kasama ang iba pang 50 ahensya ng gobyerno ang lalahok sa pagbibigay ng iba’t ibang frontline services sa publiko sa Rizal Park sa Maynila simula ngayong araw.
Ang dalawang araw na kaganapan na tinaguriang “Pampamahalaang Programa at Serbisyo (PPS)” ay tatakbo mula 10-11 Hunyo 2024 at isa sa mga aktibidad ng gobyerno para sa isang linggong pagdiriwang.
Mag-aalok ng libreng legal na serbisyo at tulong sa mga walk-in na kliyente ang DOJ Action Center (DOJAC) at ang Public Attorney’s Office habang ang Board of Claims ay magbibigay ng tulong sa mga aplikasyon at mga katanungan sa kompensasyon ng mga biktima.
Bukod dito, ang National Bureau of Investigation (NBI) ay magpoproseso ng mga clearance application habang ang Bureau of Immigration ay magbibigay ng tulong para sa mga application ng tourist online visa.
Isa namang Independence Day Parade ang ilulunsad sa Hunyo 12, 2024 para sa pagtatapos ng naturang aktibidad.
Alinsunod sa bisyon ng Bagong Pilipinas, binigyang-diin ni Remulla na Ang DOJ ay nananatiling nakatuon at nakikiisa sa Administrasyong Marcos sa pagbuo ng isang kinabukasan kung saan ang sama-samang katatagan ay nagtatagumpay sa anumang kahirapan.
Sa unang bahagi ng buwang ito, pinangunahan ng DOJAC, sa ilalim ng pangangasiwa ni Undersecretary Margarita Gutierrez, ang DOJ Katarungan Caravan sa Marawi City.
Ang isang buwang caravan na ito na tatakbo mula Hunyo 3 hanggang Hulyo 3, 2024, ay nag-aalok ng libreng serbisyong legal sa mga biktima ng 2017 Marawi siege at Internally Displaced Persons sa paghahain ng kanilang mga claim sa ilalim ng Republic Act No. 11696 o mas kilala bilang Marawi Siege Compensation Act of 2022.