-- Advertisements --

Sinimulan na ng Department of Justice (DoJ), sa pamamagitan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pagsisiyasat ukol sa methanol poisoning na dulot ng lambanog sa Southern Luzon.

Ayon kay Justice Sec. Menardo Guevarra, may initial data na ang NBI hinggil dito ngunit hindi pa naisusumite sa kaniyang tanggapan.

Sa kasalukuyan, umaabot na sa 22 ang naitalang patay dahil sa lambanog poisoning ngayong buwan lamang ng Disyembre.

Sakop ng imbestigasyon ang mga insidente sa Laguna, Batangas, Rizal at lalawigan ng Quezon.

Magbibigay din ng rekomendasyon ang ahensya upang matiyak na hindi na mauulit ang pagkasawi ng ating mga kababayan dahil lamang sa nabiling alak.