-- Advertisements --
Menardo Guevarra

Nag-isyu na ang Department of Justice (DoJ) ng immigration lookout bulletin order (ILBO) laban kay dating Budget Undersecretary Christopher Lloyd Lao at pitong iba pang inidibidwal dahil sa umano’y iregularidad sa pagbili ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic-related supplies.

Kabilang din sa inilagay sa ILBO sina Overall Deputy Ombudsman Warren Rex Liong at Pharmally Pharmaceutical Corporation officials Twinkle Dargani, Huang Tzu Yen, Krizle Grace Mago, Justine Garado, Linconn Ong at Mohit Dargani.

Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, layon ng lookout bulletin order na mamonitor ang pupuntahan ng mga indibidwal kung plano nilang lumabas ng bansa.

Si Huang naman na chairman at president ng Pharmally na isang Singaporean ay kasalukuyan ngayong nasa kanilang bansa.

“The BI (Bureau of Immigration) will make the proper arrangements for monitoring the subject’s travel movements abroad,” ani Guevarra.

Inaasahan ding maglalabas ang DoJ ng lookout order para sa Chinese businessman at dating presidential economic adviser na si Michael Yang na sinasabing nagpahiram ng pera sa Pharmally na ginamit para mabayaran ang mga suplay.

Una rito, pormal na hiniling ng Senado sa Bureau of Immigration (BI) sa pamamagitan ng mother agency, ang DoJ na bantayan ang galaw ni Yang.