Nagbabala ang Department of Justice hinggil sa mga posibleng maging kaparusahan ng mga pulis na mapapatunayang nakikipagtulungan sa International Criminal Court.
Ito ay may kaugnayan pa rin sa kamakailan lang na naging pahayag ni dating Senador Antonio Trillanes IV hinggil sa umano’y ilang mga aktibong pulis ang nakikipag-ugnayan ngayon sa ICC hinggil sa ginagawang imbestigasyon nito sa dating administrasyong Duterte.
Ayon kay DOJ Spokesperson, ASec. Jose Dominic Clavano IV, posibleng maharap sa kaukulang Administrative charges at masibak sa serbisyo ang sinumang pulis na masasangkot sa nasabing isyu.
Una na kasing ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa lahat na huwag makikipag-ugnayan sa ICC at ang sinuman aniyang lumabag dito ay ikokonsiderang guilty sa gross neglect of duty o disobedience to authority police officer and government officials.
Kung maaalala, una nang sinabi ni Trillanes na mayroon umanong mahigit 50 active at former members ng Philippine National Police ang nakipag-ugnayan sa ICC hinggil sa kanila umanong naging papel sa brutal at hindi makataong war on drugs campaign ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ngunit bilang tugon dito ay sinabi ni PNP Public Information Office chief PCol. Jean Fajardo na sa ngayon ay wala pa silang natatanggap na impormasyon ukol dito ay hindi rin aniya nila alam kung ano at saan ang source ng naturang mambabatas.