Sa gitna ng mga ilegal na gawain na may kinalaman sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs), iginiit ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ngayong Linggo, June 9, na pinakikiusapan nila ang mga dayuhan sa bansa na sundin ang mga batas ng Pilipinas o kung hindi, ay haharap ang mga ito sa mabibigat na legal na parusa.
Inilabas ni Remulla ang babala matapos ang raid sa POGO hub sa Porac, Pampanga kung saan natuklasan ng mga awtoridad ang mga ebidensya ng torture at kidnapping.
Inatasan na ng Justice Secretary ang National Bureau of Investigation (NBI) at Bureau of Immigration (BI) na manguna sa kaso, maghain ng mga kaso kung kinakailangan, at agad na ideport ang mga mapapatunayang lumabag sa immigration laws.
Ani Remulla, malugod na tinatanggap ang mga dayuhan na manatili sa bansa at maaari nilang tratuhin ito bilang kanilang sariling tahanan hangga’t sila ay buong puso na sumusunod sa mga batas ng naaayon at walang kondisyon.
Una nang iniulat na ang raid noong nakaraang Miyerkules ay humantong sa pag-aresto ng 158 Chinese, Vietnamese, at Malaysian nationals. Iniulat din na pinapatakbo ang POGO hub ng Lucky South 99 Outsourcing.
Sinabi ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na inaasahan nilang makakapag-aresto pa sila ng higit sa 1,000 katao.