-- Advertisements --

Binalaan ng Department of Justice ang ilang mga online lending companies na gumagamit ng hindi makatarungan at hindi patas na paraan ng pangongolekta ng utang na sila ay mahaharap sa kaso.

Sa inilabas na advisory ng DOJ Cybercrime Office OIC Atty. Charito Zamora na ang nasabing paraan ng paniningil ay napapaloob sa “unfair debt collection practices” at “cyber harassments” na may karampatang kaparusahan.

Ilan sa mga paglabag ay ang pag-access sa phonebook at contact list ng mga borrower at sila ay pinapadalhan ng mensahe kapag hindi nakapagbayad sa tamang oras ang mga may utang.

Gayundin, pagpapahiya sa mga nakahiram sa pamamagitan ng pagpost ang larawan sa online, pagbabanta sa buhay ng borrowers at iba pa.

Nakapaloob ang nasabing paglabag sa Cybercrime Prevention Act, Data Privacy Act at Revised Penal Code and Memorandum circular mula sa Securities and Exchange Commission.

Nakasaad sa cybercrime prevention act na maaaring makulong ang mga nasa online lending ng hanggang 12 taon at multa ng P200,000.

Ang pagpalabas ng personal information ng borrower sa publiko ay may kaparusahan ng pagkakulong ng limang taon at multa ng hanggang P1 milyon.