-- Advertisements --

Naglabas ang Department of Justice (DOJ) ng Immigration lookout bulletin order (ILBO) laban kay dating presidential economic adviser Michael Yang.

Paglilinaw ni DOJ Secretary Menardo Guevarra na ito ay lookout order lamang at hindi hold departure order.

Ipapaalam lamang ng mga immigration officials sa kalihim ng DOJ kung nagtangkang umalis ng bansa sa pamamagitan ng airports o seaports si Yang o kilala din sa pangalang si Yang Hong Ming.

Ang Davao-based na negosyante ay iniimbesitigahan ngayon ng Senate Blue Ribbon Committee dahil sa connection niya sa Pharmally Pharmaceutical Corp. na siyang binilhan ng gobyerno ng mga pandemic supplies noong nakaraang taon.

Dagdag pa ni Guevarra na bukod kay Yang ay naglabas din sila ng ILBO kay dating Budget Undersecretary Llyod Christopher Lao at pitong iba pa na sina Atty. Warren Rex Liong, Twinkle Dargani, Huang Tzu Yen, Krizile Grace Mago, Justine Garado, Linconn Ong at Mohit Dargani.

Mismong si Senate President Vicente Tito Sotto III ang humiling ng paglabas ng ILBO sa nasabing mga personalidad.