Nagpaliwanag ang Department of Justice (DOJ) sa pag-aresto kina Sheila Guo at Cassandra Ong pagkadating ng mga ito sa Pilipinas matapos dakpin sa Indonesia.
Ayon kay Justice USec. Nicholas Ty, inaresto ng Bureau of Immigration si Sheila, na kapatid ng na-dismiss na si ex-Bamban Mayor Alice Guo, dahil sa paglabag sa Immigration Act bunsod ng ilegal na paglabas nito sa bansa at hindi dumaan sa maayos na proseso gayundin nakakuha ito ng PH passport sa kabila ng kwestiyonableng nasyonalidad nito.
Habang ang negosyanteng si Cassandra Ong naman na idinadawit sa POGO hub sa Porac, Pampanga, ay inaresto nang walang warrant of arrest dahil sa iba’t ibang mga krimen na inihain laban sa kaniya sa National Bureau of Investigation kabilang din ang obstruction of justice, paglabag ng passport act at criminal provision ng Immigration Act. Sa kabila nito, maaaring pa rin aniyang mag-request ng piyansa sina Ong at Guo.
Aniya, hindi pa ganun kalakas ang mga reklamo laban kay Ong subalit nakatakda aniyang ihain sa tamang panahon ang mas mabibigat pang mga kaso laban sa kaniya. Limitado din aniya ang pwedeng isampa kay Ong sa ngayon dahil ito ay warrantless arrest.
Samantala, kinatigan din ito ni NBI Director Jaime Santiago at sinabing maaaring maglagak ng piyansa sina Guo at Ong para sa obstruction of justice.
Samantala, nakikipag-ugnayan na ang DOJ sa House of Representatives at sa Senado para matiyak na ang pamahalaan ang magkukustodiya kay Ong.
Matatandaan na naaresto ng mga awtoridad sa Indonesia ang 2 kahapon, Agosto 22 sa Batam habang kasalukuyang tinutunton naman sina Alice Guo at kapatid nitong si Wesley Guo.