Nagpaliwanag ang Department of Justice (DoJ) sa naging pahayag ng Pangulong Rodrigo Duterte na hindi natrato ng patas habang nakakulong si US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton.
Ayon kay Justice Sec. Menardo Guevarra, ang pahayag ng pangulo ay patungkol umano sa buong sitwasyon habang nakakulong ang Amerikabong sundalo.
Aniya, ang naging arrangement daw kasi noon ay walang magmo-monitor sa conduct ni Pmeberton na pumatay sa transgender woman na si Jeffrey alyas Jennifer Laude.
Dahil dito, sinabi ng Pangulong Duterte na napagkaitan daw ng good conduct time allowance (GCTA) ang naturang sundalo dahil wala namang nagbabantay rito.
Sa ngayon, hinihintay pa raw ang Bureau of Corrections (BuCor) ang orohinal na kopya ng absolute pardon ni Pemberton bago nila iproseso ang release order nito.
Ayon kay BuCor Director Gerald Bantag, sa oras na matanggap na nila ang original copy ng pardon ng Amerikanong sundalo ay dito na sisimulan ang internal process.
Kabilang na dito ang paghahanda sa memorandum to release ng dating sundalo, verification kung mayroon pa itong nakabinbing mga kaso at ang pagkuha ng biometrics at photograph.
Aminado ang BuCor director general na ilang araw din ang kanilang gugugulin sa pag-proseso para makalaya na ang naturang bilanggo.
Aniya kailangan ding sumunod ang sundalo sa protocols mula sa health services gaya ng swab test.