Umalma ang Department of Justice (DOJ) sa mga pahayag ng kampo ng nakakulong na si Sen. Leila de Lima na binawi na umano ng mga witness laban sa mambabatas ang nauna nilang mga statement na nag-uugnay sa senadora sa illegal drug trade sa New Bilibid Prison.
Magugunitang sinabi ng mga abugado ni De Lima na ilang mga witness, kabilang na ang convicted drug lord na si Vicente Sy, mga opisyal ng Philippine Drug Enforcement Agency at Anti-Money Laundering Council, na umamin umano ang mga ito na wala silang nalalaman sa papel ng mambabatas sa transaksyon ng iligal na droga sa Bilibid.
Ayon kay Prosecutor General Benedicto Malcontento, walang nangyaring recantation o pagbawi ng pahayag sa panig ng mga witness.
Giit ni Malcontento, ito raw ay paglabag sa sub-judice rule na nagbabawal sa pagtalakay ng merito ng alinmang kaso sa publiko.
Nagbabala rin ang opisyal na maghahain sila ng petition for contempt laban sa mga abugado ni De Lima.
“It’s not fair because we have to respect the independence of the courts, so kami we will not engage into that kind of thing,” wika ni Malcontento.
Kinumpirma naman ni Justice Secretary Menardo Guevarra na nagbigay ito ng utos na maghain ng mga petition for contempt.
“It’s one thing to state facts about the court proceedings; it’s a totally different matter to give an opinion about the weight of the evidence,” mensahe ni Guevarra.
Una rito, paulit-ulit na iginigiit ng legal team ni De Lima ang anila’y kakulangan ng ebidensya laban sa senadora, kabilang na ang kawalan ng money trail at report mula sa Anti-Money Laundering Council.
Pero nanindigan si Malcontento na mayroong report mula sa AMLC, pero bilang bahagi ng prosekusyon, hindi nila ito tatalakayin sa publiko.