Inaprubahan ng Department of Justice ang paghahain ng grave oral defamation charges laban sa dalawang babaeng environmental activist na nagsabing sila ay dinukot ng militar at hindi mga rebel returnees.
Sa isang 15-pahinang resolusyon, sinabi ni Senior Assistant State Prosecutor Arnold L. Magpantay na sina Jonila Fababer Castro at Jhed Reiyana Cruz ay magkahiwalay na kakasuhan para sa Grave Oral Defamation sa ilalim ng Article 358 ng Revised Penal Code, as amended
Ang resolusyon ni Magpantay, ay inaprubahan nina Prosecutor General Benedicto A. Malcontento at Senior Deputy State Prosecutor Richard Anthony A. Fadullon.
Ayon sa desisyon, nakitaan ng prosecutor panel ng probable cause para kasuhan ang mga respondent para sa grave oral defamation batay na rin sa mga ebidensyang nakalap.
Inilabas ng DOJ ang resolusyon kasunod ng pagsasagawa ng preliminary investigation sa reklamong inihain ni Lt. Col. Ronnel B. Dela Cruz, commander ng 70th Infantry Battalion ng 7th Infantry Division ng Philippine Army na nakatalaga sa Dona Remedios Trinidad, Bulacan.
Dito ay inakusahan ng complainant ang dalawang dalaga ng perjury sa ilalim ng Article 183 ng Revised Penal Code
Nag-ugat ang kaso sa press conference noong Setyembre 19, 2023 ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict kung saan ang dalawang aktibista ay ipinakilala bilang pinakabagong mga rebeldeng komunista na sumuko sa gobyerno.
Sa halip na pagtibayin na sumuko sila, sinabi nina Castro at Cruz sa press conference na sila ay dinukot noong Setyembre 2, 2023.