Nanindigan ang Department of Justice na sumunod sa tamang proseso ang mga otoridad sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Ayon kay Justice Asec. at Spox. Atty. Mico Clavano, ang kanilang ahensya at nagsilbing attesting officer sa pagsasagawa ng pag-aresto sa dating pangulo.
Giit nito na sinunod ng DOJ ang article 59 ng Rome Statute sa pagpapatupad ng buong proseso.
Sa isang panayam ay ibinahagi rin ni Asec. Clavano ang ilan sa mga proseso sa pag-aresto lalo na kung sangkot ay malalaking personalidad.
Ayon sa tagapagsalita ng Justice Department, mayroong pinagbabatayan na local legal framework at international legal framework.
Nilinaw naman ni Clavano na nakipag-ugnayan lamang ang gobyerno ng Pilipinas sa INTERPOL kung saan inendorso ng ICC ang warrant of arrest laban kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Aniya , ang pamahalaan ay sumusunod sa INTERPOL kung may mga indibidwal silang ipinapaaresto sa bansa.
Ginawa ng opisyal ang pahayag matapos ang ilang ulit na pag-giit ng kampo ng dating pangulo na ilegal ang pag-aresto kay FPRRD dahil wala nang hurisdiksyon ang ICC sa Pilipinas matapos itong kumalas noong 2019.