Nilinaw ni Department of Justice (DOJ) Undersecretary Jesse Andres na hindi ukol sa crimes against humanity ang ipapadalang subpoena kay dating Pang. Rodrigo Duterte.
Ito ay kung tuluyan mang magpapadala ng subpoena ang ahensiya sa dating pangulo, kasabay ng kanilang ginagawang imbestigasyon ukol sa umano’y malawakang patayan sa ngalan ng war on drugs.
Paliwanag ni Usec. Andres, bilang pagtalima sa ‘due process of law’, kailangang ipatawag ang dating pangulo kung sakaling makakabuo na ang DOJ ng reklamo na maaaring iharap sa dating pangulo.
Sa kasalukuyan kasi aniya ay patuloy ang paglikom ng DOJ ng mga ebidensiya mula sa National Bureau of Investigastion, Philippine National Police, atbpang ahensiya, upang makabuo ng pormal na reklamo.
Oras na mabuo ang reklamo, kailangan aniyang ipatawag ang kakasuhan upang mabigyan ng pagkakataon na ipaliwanag ang kanilang panig.
Ayon kay Usec. Andres, ito ang pangunahing rason kung sakaling ipatawag o papadalhan ng subpoena ang dating pangulo, at hindi dahil sa crimes against humanity
Una rito ay inirekomenda ng Quad Committee ng Kamara de Representantes ang pagsasampa ng kaso laban kay dating PRRD at sa ilang kaalyado, kasunod ng 13 serye ng pagdinig.
Ang pangunahing kaso na maaaring iharap sa dating pangulo, ayon sa Quad, ay ang Crimes Against Humanity at Genocide, batay na rin umano sa mga lumabas na ebidensiya sa mga serye ng pagdinig nito.