-- Advertisements --

Nilinaw ng Department of Justice na saklaw ng hurisdiksiyon ng Philippine Coast Guard ang maritime security at law enforcement kabilang ang pag-inspeksiyon sa mga pribadong yate ng mga banyaga.

Ginawa ng DOJ ang pahayag matapos na humiling ng paglilinaw si Senator Francis Tolentino matapos sabihin ng PCG na wala itong awtoridad para inspeksyunin ang mga pribadong yate at nasa hurisdiksiyon umano ito ng Maritime Industry Authority sa isinagawang Senate inquiry kamakailan kaugnay sa nakumpiskang 1.4 tonelada ng shabu sa Alitagtag, Batangas noong Abril at umano’y PDEA leaked documents.

Una na kasing iniugnay ng kapulisan ang nasabat na mga iligal na droga sa yate na nanggaling sa ibang bansa.

Sinabi din ni Justice Undersecretary Raul Vasquez na ang posisyon ng PCG ay walang basehan dahil ang mandato nito ay base sa batas kung saan mayroon itong mas mataas na level of authority kesa sa memorandum circular lamang habang ang Marina naman ang siyang nangangasiwa lamang sa administration, licensing at registration.

Kayat malinaw aniya na saklaw ng PCG ang law enforcement at hindi kailangan ng bagong batas para punan ang puwang at mali lamang aniya ang interpretasyon ng ahensiya sa memorandum circular ng Marina kaugnay sa hurisdiksiyon nito sa mga pribadong yate na pagmamay-ari ng mga dayuhan.