-- Advertisements --

Ipinaliwanag ng isang opisyal ng Department of Justice (DOJ) na hindi maaaring suspendihin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Vice President Sara Duterte.

Ito ay sa kabila pa ng assassination remarks ng Bise Presidente laban kina PBBM, First Lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Martin Romualdez.

Ayon kay Justice USec. Jesse Andres, tanging ang Ombudsman lamang ang maaaring mag-suspendi sa ikalawang pinakamataas na opisyal ng bansa habang ang Pangulo ay maaari lamang mag-suspendi ng mga local government executives.

Bagamat, sinabi ng opisyal na maaaring maharap sa diskwalipikasyon mula sa public office si VP Sara sakaling mapatunayang guilty siya sa paglabag sa Anti-Terror Law ng ating bansa kung saan ang pagbabanta aniya sa Pangulo ay maaaring iuri bilang paraan ng paghahasik ng takot at pag-destabilize sa gobyerno.

Pinaparusahan din aniya sa ilalim ng naturang batas ang banta para gumawa ng terorismo o sabwatan sa paggawa ng terorismo.

Una naman ng ipinaliwanag ni VP Sara na ang kaniyang mga binitawang pahayag ay “taken out of context” lamang at pinagdiinang mamamatay muna siya bago aniya maisagawa ang pagpatay kina PBBM, FL at House Speaker.

Nilinaw din ng Bise Presidente na hinidi siya gumamit ng salitang “assassin” sa kaniyang naging mga pahayag laban sa Pangulo. Sapat na aniya ang common sense para maunawaan at tanggapin na ang conditional act of revenge ay hindi kumakatawan sa active threat at ito ay isa aniyang “plan without a flesh” o isang planong walang laman.