Pinag-aaralan muli ng Department of Justice (DOJ) ang kasalukuyang mga batas upang mapalakas ang kampaniya ng pamahalaan laban sa mga fake news.
Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, walang puwang ang mga fake news at hindi dapat pinapayagan ang pagkalat ng mga ito dahil sa isa itong malaking kasalanan sa bansa.
Kabilang sa mga inaaral dito ay ang cyber libel at iba pang cyber laws, habang tinitingnan din kung kailangang baguhin o repasuhin ang mga kasalukuyang batas para mapigilan ang labis na disinformation.
Sa kasalukuyan, wala pang target date kung kailan matatapos ang ginagawang pag-repaso, kasama na ang deadline para sa posibleng paghahain ng kaso laban sa mga indibidwal na umano’y nagpapakalat ng maling impormasyon.
Giit ni Remulla, kailangang aralin ito ng mabuti at suriin ang bawat kaso upang matukoy kung paano ginagawa ang mga pekeng impormasyon at mapigilan ang actual na paglabas nito, lalo na sa mga social media platform kung saan madalian lamang ang access.
Kasabay nito ay ang pag-aaral kung anong mga penalty ang ipapataw sa mga gagawa nito.
Una nang umapela ang ilang mga mambabatas na iregulate ang mga social media platform bilang paraan ng pagpigil sa posibleng labis na pagkalat ng maling impormasyon.
Maliban sa pag-regulate sa mga ito ay ang posibilidad ng pagbuo ng mas mahigpit na batas na magbibigay ng mabigat na kaparusahan sa mga nagpapakalat ng maling impormasyon.