Seryoso umanong kinokonsidera ng Department of Justice (DOJ) ang pagsuspinde sa pagproseso ng mga aplikasyon sa good conduct time allowance (GCTA) grants sa mga preso.
Ito’y sa gitna na rin ng kaliwa’t kanang pag-alma sa posibilidad na mapapalaya nang maaga si dating Calauan, Laguna mayor Antonio Sanchez na hinatulang guilty sa rape-murder case ni Eileen Sarmenta at murder naman para kay Allan Gomez noong 1993.
“We are reviewing the existing guidelines for GCTA and the BuCor (Bureau of Corrections) will henceforth base its actions on any new guidelines that will come out,” wika ni Justice Sec. Menardo Guevarra.
“We’re considering seriously the need to temporarily suspend the processing of GCTAs till the BuCor guidelines are reviewed and firmed up.”
Ani Guevarra, magiging pansamantala lamang ang nasabing pagpapahinto, at kinakailangan lamang daw na maghintay nang kaunti ng mga bilanggong nag-apply ng grant.
Wika pa ng kalihim, umaapaw daw sa dami ang mga GCTA na kailangang i-recompute kasunod ng pagiging retroactive ng isang batas noong 2013 na nagpapalaki sa GCTA.
Una nang sinabi ni Guevarra na maaari umanong mapalaya si Sanchez dahil sa nasabing batas at sa isang pasya ng Korte Suprema.
Gayunman, umani ng batikos ang nasabing balita kaya ipinag-utos ni Guevarra ang masinsinang pagrebyu at re-computation sa mga GCTA ng mga preso.