Pinagtibay ng Department of Justice (DOJ) ang matagal ng commitment nito sa United Nations para mawaksan ang problema sa iligal na droga.
Sa idinadaos na 68th session ng UN Commission on Narcotics Drugs sa Vienna, Austria, sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa harap ng world leaders ang pagpapatibay ng kooperasyon nito sa pagtalakay ng mga kaparehong hamon na kinakaharap kabilang na ang problema ng buong mundo sa iligal na droga, kasabay na rin ng ika-80 taong selebrasyon ng partnership ng PH sa UN bilang isa sa mga founding members.
Dito, iprinisenta ni Sec. Remulla ang human-rights based at public health-centered approach ng PH sa pagkontrol ng problema sa iligal na droga sa ilalim ng liderato ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Gayundin ang mga komprehensibong rehabilitation program, education at prevention para sa mga indibidwal na dependent sa droga na nakikitang pinakamahusay na paraan para masolusyunan ang problema sa illegal drugs.
Matatandaan, sa ilalim ng pamumuno noon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ipinatupad ang tokhang o war on drugs na pumulbos sa mga sangkot sa iligal na droga sa bansa at naging kontrobersiyal dahil sa alegasyon ng extra-judicial killings kung saan nadamay ang ilang mga inosenteng buhay.
Base sa datos ng gobyerno noong 2022, nasa mahigit 6,000 ang naitalang napatay na drug suspects simula noong 2016 o mula nang maupo si dating Pangulong Duterte. Subalit, ayon sa human rights organizations, nasa tinatayang 12,000 hanggang 30,000 sibilyan ang napatay sa kasagsagan ng war on drugs.