Inirekomenda ng Department of Justice na sampahan na ng kasong cyber libel ang chairman ng transport group na Manibela na si Mar Valbuena dahil sa mga umano’y libelous statement nito laban sa Department of Transportation.
Kasunod ito ng inihaing cyber libel complaint ni Transportation Secretary Jaime Bautista sa Department of Justice noong Oktubre ng nakaraang taon.
Kung matatandaan, inakusahan ni Valbuena si Secretary Bautista na may kaugnayan sa umano’y korupsiyon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB.
Sa inilabas na resolusyon ng DOJ, sinabi nito na ang pahayag ng transport leader na nakatatanggap ng suhol si Bautista at ang Malacanang para sa public utility vehicle modernization program ay isa umanong malisyosong pag-akusa ng criminal act laban sa mga opisyal ng gobyerno.
At dahil na-ere daw ito sa telebisyon at social media, ay sakop na umano ito ng Cybercrime Prevention Act.
Samantala, dinismiss naman ng DOJ ang reklamong grave threats ni Sec. Bautista laban din kay Valbuena dahil ang naging pahayag ng transport leader sa isang Facebook live ay hindi naman umano isang pagbabanta.
Una na rito, sinampahan na ng kaso ng Quezon City Police District si Valbuena at ilang mga kasamahan nito dahil sa umano’y “disruptive behavior” sa isinagawa nilang rally noong Abril 15 na nagdulot daw ng matinding pagkaantala at istorbo sa daloy ng trapiko sa ilang daanan kabilang na ang Commonwealth Avenue.
Ang Manibela ang isa sa mga transport groups na mariing tinututulan ang ilang probisyon sa PUV Modernization Program partikular na ang pagpapa-consolidate at pagpasok ng mga jeepney driver sa isang kooperatiba.
Bago matapos ang buwan ng Abril ay muli ngang magkakasa ang Manibela at iba pang transport groups ng transport strike at kilos-protesta para muling tutulan ang PUV Modernization Program.