Posibleng isantabi muna ng Department of Justice (DOJ) ang utos ng Malacañang na kanselahin ang pasaporte ng sinibak na dating alkalde ng Bamban, Tarlac na si Alice Leal Guo na tumakas ng bansa noon pang Hulyo.
Ayon kay Justice USec. Nicholas Ty, baka hindi maging ganun kadali ang pagpapauwi kay Guo sakaling ipawalang bisa ang kaniyang pasaporte.
Aniya, naging daan sa mabilis na deportasyon ng kapatid ni Guo na si Sheila Guo at umano’y companion nito na si Cassandra Ong ang pagsasantabi sa request ng Palasyo Malacañang.
Sinang-ayunan din ni USec. Ty ang nauna ng sinabi ni DOJ Sec. Jesus Crispin Remula nitong Huwebes na maaaring makapagpalala ito sa sitwasyon dahil paano aniya makakabalik ng bansa si Guo at kaniyang mga kapatid kung kakanselahin ang kanilang mga pasaporte.
Kayat ayon sa kalihim, saka na lamang kakanselahin ang pasaporte ni Guo para maiwasan ang legal na suliranin.
Matatandaan nauna ng hiniling ng Office of the President sa DFA na kanselahin ang mga pasaporte ni Alice Guo at kaniyang mga kapatid na sina Sheila at Wesley Guo gayundin ang pasaporte ng kanilang kasamang umalis sa bansa na si Cassandra Ong.