Tiniyak ng Malacañang sa publiko na magiging patas ang Department of Justice sa ginagawa nitong imbestigasyon kaugnay sa police operations noong Marso 7 na nauwi sa pagkakapatay sa siyam na aktibista sa Calabarzon.
Ayon kay Presidential spokesman Harry Roque, kumpiyansa raw sila sa imbestigasyon lalo pa’t nais daw talaga ni Justice Secretary Menardo Guevarra na makakuha ng sagot mula sa mga law enforcement agencies.
“We are confident with that probe because no less than Justice Secretary Menardo Guevara wants to get hard answers from the law enforcement agencies,” wika ni Roque.
“The Justice Secretary has been outspoken on his observations that there are police officials who do not follow standard operating procedures,” dagdag nito.
Una nang sinabi ni Roque na dapat sumunod ang mga police officials sa rule of “necessity and proportionality” sa paggamit ng dahas laban sa mga suspek sa police operations.
Noong nakalipas na linggo, siyam na mga aktibista ang namatay sa simultaneous operation sa Calabarzon kung saan iginiit ng mga pulis na armado at nanlaban umano ang mga napatay.
Pero ayon naman sa kaanak ng mga biktima, wala umanong katotohanan ang pahayag ng mga pulis.