Inakusahan ngayon ng pamilya ng mga batang namatay matapos umanong maturukan ng Dengvaxia na minamanipula ni OIC Prosecutor General Anthony Fadullon ang imbestigasyon sa Dengvaxia cases na inihain ng Public Attorney’s Office (PAO) sa Department of Justice (DoJ).
Ayon sa isa sa mga magulang, malamang ay nabayaran daw si Fadullon ng malaking halaga para kontrolin ang imbestigasyon.
Dahil dito, hiniling ng mga magulang na mag-inhibit at huwag nang makisawsaw si Fadullon sa Dengvaxia cases.
Una rito, inaprubahan daw ni Fadullon ang ammended information na may petsang Abril 29, 2019 kung saan ay pinag-isa na lamang ang kaso nina Aejay Bautista at Jansyn Art Bataan.
Ginawa na lamang umanong isang count ng kasong Reckless Imprudence Resulting to Homicide ang kaso ng dalawang biktima laban sa mga idinadawit sa maanomalyang pagpapatupad ng dengue immunization program noong 2016.
Nagtipon-tipon naman ang mga magulang sa harap ng DoJ para ipanawagan ang pagbibitiw ni Fadullon.
Mariin namang itinanggi ni Fadullon ang mga paratang ng mga pamilya ng mga sinasabing biktima ng naturang bakuna.
Hinamon din niya ang mga nag-aakusa sa kanya ng katiwalian na maglabas na lamang ng ebidensiya.
Inihayag din nitong handa siyang magsampa ng kaso sakaling mapatunayang wala namang basehan ang akusasyon ng mga ito.