-- Advertisements --

Inatasan na umano ni Justice Sec. Menardo Guevarra ang Bureau of Corrections (BuCor) na pabilisin ang proseso sa mga ex-convicts na sumuko kahit na hindi kasama sa listahan ng mga bilanggong napalaya dahil sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) law.

Ayon kay Guevarra, bibigyan umano ang nasabing mga indibidwal ng sertipikasyon mula sa BuCor para sa kanilang proteksyon.

Batay sa huling tala, nasa 2,009 na ang bilang ng mga sumuko kumpara sa orihinal na nasa listahan ng BuCor na 1,914.

Paliwanag ni Justice Usec. Markk Perete, lumobo ang bilang ng mga sumuko dahil maaring may mga napalayang inmates ang hindi naman sangkot sa heinous crimes.

Sinabi pa ni Perete na ang mga sumukong wala sa listahan ay kanila nang pinayuhan na umalis sa loob ng piitan.

Ngunit nagmatigas daw ang mga ito at hindi raw sila aalis hangga’t walang natatanggap na certification na hindi na sila dadakping muli.

“Pending the issuance of that certification, they insisted that they remain inside the BuCor, which is understandable,” ani Perete.

Kaugnay nito, sinabi ni Guevarra na nagtutulungan ang Office of the Ombudsman at ang kanilang kagawaran ukol sa nagpapatuloy na imbestigasyon sa mga suspendidong opisyal ng BuCor.