-- Advertisements --

Rerepasuhin ng National Prosecution Service ng Department of Justice (DOJ) ang rekomendasyon ng Quad Committee ng Kamara de Representantes na kasuhan sina dating Pangulong Rodrigo Duterte at mga kasamahan.

Ito ang binigyang-diin ni Justice Undersecretary Jesse Andres, kasunod na rin ng unang pahayag ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. na ipinapaubaya na niya sa mga legal expert ang pagsuri sa naturang rekomendasyon.

Ayon kay Usec. Andres, lahat ng rekomendasyon ng Quad ay aaralin ng NPA, pagsama-samahin ang mga ebidensiya mula sa sarili nitong imbestigasyon, at susuriin ang mga kasong maaaring ihain.

Pero paglilinaw ng opisyal, hindi lamang magbabase ang DOJ sa rekomendasyon ng Quad Committee kundi ikokonsidera rin ang mga lumabas sa mga isinasagawa nitong imbestigasyon.

Sa katunayan aniya, bago pa man humaba ang hearing ng Quad Commitee, may task force nang itinayo ang DOJ na naatasang mag-imbestiga, dahil na rin sa pagnanais nitong mabigyan ng hustisya ang mga biktima ng drug war.

Ayon kay Andres, maayos nilang titingnan ang lahat ng mga ebidensiyang maaari nilang iharap kung sakaling tuluyan nang maghain ng kaso laban sa dating pangulo at kaniyang mga kaalyado.

Pagbibigay-diin ng opisyal, lahat ng anggulo ay kanilang susuriin at hindi hahayaang magkaroon ng butas ang reklamo, oras na opisyal nang isampa ang kaso.

Giit ng DOJ official mula sa pagsisiyasat, pangangalap ng ebidensiya hanggang sa pagsasampa ng kaso ay gagawin salig sa itinatakda ng batas ng ating bansa.