CAGAYAN DE ORO CITY – Hinimok ngayon ng Department of Justice (DoJ) ang grupong Kabus Padatoon (KAPA) Community Ministry International Incorporated na kusang isauli ang nakulimbat na milyun-milyong halaga ng pera mula sa kanilang investors.
Ito ay kung totoo na talagang ang kanilang intensyon ay pagtulong upang makaahon sa kahirapan ng kanilang mga miyembro.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni DoJ Asec. Sergio Yap na kung talagang hindi panloloko ang ginawa ni KAPA founder Pastor Joel Apolinario ay hindi ito magdadalawang isip na ibabalik ang mga pera na nagmula sa naging mga biktima ng mga ginawa na panloloko nito.
Sinabi ni Yap na maliban sa kasong inihain ng Securities and Exchange Commission (SEC) laban sa KAPA ay pinapalakas pa ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga reklamo na isinampa ng ilang dating mga miyembro para madiin ang mga nasa likod nito.
Magugunitang tuluyan nang inisyuhan ng korte na nakabase sa Davao City ng hold departure order (HDO) si Apolinario at pitong iba pa kaugnay sa kinakaharap na mga atraso nito sa gobyerno.
Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nag-utos sa tuluyan nang pagpapatigil sa iligal na operasyon ng KAPA at arestuhin ang mga personalidad na nagpapatakbo nito.