Pinapatigil muna ng Department of Justice (DOJ) ang pag-aresto ng PNP sa mga hindi pa sumusukong convict na napalaya dahil sa good conduct time allowance (GCTA).
Sinabi ni DOJ Usec. Markk Perete, kanila munang lilinising mabuti ang listahan kung saan nila ibinabatay ang mga pangalan ng mga convicts na napalaya dahil sa GCTA law.
Dagdag pa ni Perete, ito ang kanilang napagkasunduan sa ginanap na pagpupulong nila sa PNP.
Sa mahigit 1,914 na sumuko ay may ilan sa naturang bilang ang hindi naman daw talaga kasama na napalaya dahil sa GCTA.
Paliwanag pa ng DOJ, nais din nilang iwasan na mapahamak ang buhay ng mga aarestuhin at maging ang buhay ng mga aarestong kapulisan.
Samantala para naman kay NCRPO chief Maj. Gen. Guillermo Eleazar, hold daw muna ang kanilang tracker teams sa pag-aresto pero tuloy pa rin ang monitoring.
Ito ay habang inaantay nila ang malinis na listahan na manggagaling sa DOJ.
Ayon pa kay Eleazar nasa mahigit 100 pa raw kasi ang unaccounted pa sa kanilang listahan.
Una rito, umabot sa apat na mga convicts ang naaresto ng NCRPO kaninang madaling araw kung saan dalawa sa mga ito ay Maynila, isa sa Makati at isa sa Taguig.
Ang mga ito ay pawang may mga kasong rape.