Malalimang imbestigasyon ang ipinag-utos ni Justice Sec. Menardo Guevarra kaugnay ng umano’y isang inmate ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City na supplier ng droga sa Cebu.
Ayon kay Guevarra, inatasan na niya ang National Bureau of Investigation (NBI) na makipag-ugnayan sa Bureau of Corrections (BuCor) para agad magsagawa ng imbestigasyon sa mga lumabas na report.
Una rito, nasabat ng Police Regional Office Region 7 (PRO-7) ang P190 million na halaga ng shabu sa isinagawang operasyon noong Linggo sa lalawigan ng Cebu.
Ayon kay PRO-7 Director Police Brig. Gen. Debold Sinas, lumalabas sa kanilang imbestigasyon na ang inmate na si Rustico Ygot umano ang nagpapadala ng mga supply sa kasintahan nitong si Jocelyn Encilla.
Kahit nasa loob daw ng kulungan ay nagagawa ni Ygot na makipag-video call sa kasintahan nito tungkol sa kanilang transaksiyon ng iligal na droga.
Namo-monitor din umano ni Ygot ang kanilang negosyo sa Cebu dahil napalibutan ng mga CCTV camera ang bahay ni Encilla kung saan maaari itong ma-view ni Ygot mula sa NBP.
Malaking palaisipan ngayon sa mga pulis kung paano nagkaroon ng acces sa internet ang nasabing inmate.
Bago pumutok ang isyu, hiniling na raw noon ni Sinas kay Bureau of Corrections (BuCor) Cheif Nicanor Faeldon na tanggalan ng gadgets si Ygot dahil bawal naman talaga ito sa NBP pero nakakapagpuslit pa rin ang suspek ng cellphone.