Nangako si Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” C. Remulla na patuloy ang kampanya ng Department of Justice (DOJ) laban sa mga human trafficker.
Karamihan kasi aniya sa mga nabibiktima ng mga ito ay mga menor de edad.
Ginawa ng kalihim ang pahayag kasabay ng paghahain ng DOJ ng maraming kasong kriminal sa Calamba, Laguna Regional Trial Court laban sa isang bugaw na naglalako ng mga online na batang lalaki sa mga dayuhan para sa live na pakikipagtalik o explicit photos/videos kapalit ng malaking halaga ng pera.
Sa isang 10-pahinang Resolution, nakitaan ng DOJ Task Force on Women and Children and Against Trafficking in Persons (TFWCATIP) ng probable cause para kasuhan ang respondent na si Jhon Patrick Carmona para sa Qualified Trafficking in Persons sa ilalim ng Republic Act (RA) No. 9208 (Anti-Trafficking in Persons Act of 2003) na inamyendahan ng RA No. 11862 (Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2022).
Ayon sa DOJ, nakatanggap sila ng isang tip mula sa Federal Bureau of Investigation (FBI) tungkol sa pamamahagi ng Child Sexual Abuse and Exploitation Materials (CSAEM) ng respondent.
Kaagad na umaksyon dito ang National Bureau of Investigation-Human Trafficking Division at natuklasan ang isang social media account na ginagamit sa pagbebenta ng mga batang lalaki sa mga dayuhan.
Wala namang inirerekomendang pyansa ang korte para sa nasabing suspect.