-- Advertisements --

Pinasalamatan ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang gobyerno ng Timor Leste matapos ang naging pag-apruba nito sa kanilang extradition request laban kay suspended Negros Oriental 3rd District Representatives Arnolfo Teves Jr.

Ayon kay Remulla, inaasahan nito ang araw na ihaharap na sa korte ang dating mambabatas para harapin ang kanyang mga kaso.

Karamihan nga sa mga ito ay may kinalaman sa pagpatay kay dating Negros Oriental Governor Roel Degamo at siyam na iba pang indibidwal.

Binigyang diin pa ng kalihim na hindi lang ito tagumpay ng DOJ kundi ng buong Pilipinas at para sa bawat Pilipinong naniniwala na ang criminal justice sa bansa ay tunay na gumagana.

Sa wakas aniya ay haharap na si Teves sa korte at masisimulan na ang delayed  pagdinig sa kanyang mga kaso.

Samantala, ang pag-apruba ng Timor Leste sa extradition request ng gobyerno ng Pilipinas laban kay Teves ay kinumpirma ng kanilang  Attorney-General.