-- Advertisements --

Nangako si Department of Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ng mas mahigpit na border control para mapigilan ang pagpasok ng mga dayuhang pugante sa bansa.

Nanindigan ang kalihim na ang Pilipinas ay hindi kanlungan ng mga international criminal na tumatakas sa kanilang pananagutan at krimen sa kani-kanilang mga bansa.

Kasabay nito ay nagbabala ang kalihim sa mga dayuhang magtatangkang magtago sa bansa. Ayon kay Remulla, ipinag-utos na niya ang pagdaragdag ng mas istriktong panuntunan na ipapatupad sa mga entry at exit point sa buong bansa.

Kasama ang Bureau of Immigration (BI) at iba pang law enforcement agencies sa bansa, babantayan aniya ng pamahalaan ang mga paliparan na komokonekta sa ibang mga bansa, kasama na ang mga daungan o international port sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.

Babala ng kalihim, hindi kakanlungin ng Pilipinas ang mga international criminal at mga undesirable alien, bagkus ay mahigpit aniyang babantayan at hahabulin ang mga ito.