-- Advertisements --

Inihayag ng Department of Justice (DOJ) na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang may huling desisyon kung dapat ipatupad o hindi ng gobyerno ng Pilipinas ang mga warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC) laban sa sinumang Pilipino.

Ipinunto ito ni DOJ spokesperson Assistant Secretary Mico Clavano kasunod ng mga ulat na naglabas umano ang ICC ng warrant of arrest laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte na nahaharap sa kasong crimes against humanity dahil sa mga pagpatay na naganap noong drug war ng kanyang administrasyon.

Sinabi ni ASec. Clavano na nagbigay na ng briefer ang DOJ sa Pangulo sa mga pros and cons ng bawat aksiyon, kung igagalang ang kahilingan ng ICC sa pamamagitan ng International Criminal Police Organization (Interpol).

Samantala, sinabi ni Clavano na ang gobyerno, sa pamamagitan ng National Central Bureau (NCB), ay handa na magproseso sakaling maglabas ng red notice mula sa Interpol kaugnay ng posibleng warrant of arrest ng ICC.

Sa website nito, ipinaliwanag ng Interpol na ang red notice nito ay hindi isang international arrest warrant ngunit isang request para sa pagpapatupad ng batas sa buong mundo para hanapin at pansamantalang arestuhin ang isang tao habang nakabinbin ang extradition, pagsuko, o katulad na legal na aksyon.

Kayat kung sakaling magrequest ang Interpol, ang NCB umano ang magpo-proseso at kikilos sa naturang request.

Ngunit sa ngayon, ayon kay ASec. Clavano wala pang natatanggap na impormasyon ang gobyerno na naglabas ng warrant of arrest ang ICC.