Inihayag ni Department of Justice spokesperson ASec. Mico Clavano na nandito pa sa Pilipinas ang na-dismiss na alkalde ng Bamban, Tarlac na si Alice Leal Guo base sa kanilang pagkakaalam.
Taliwas naman ito sa nauna ng ibinunyag ni Senator Risa Hontiveros sa plenary session nitong Lunes na impormasyon mula sa National Bureau of Investigation at isa pang source ng Senadora na nakaalis na ng bansa si Guo at nagtungo sa Malaysia noon pang Hulyo 17 saka tumuloy sa Singapore kung saan niya kinatagpo ang kaniyang magulang na Chinese na sina Lin Wen Yi at Guo Jian zhong na lumipad mula China noong July 28.
Sa isang statement, sinabi pa ni ASec. Clavano, walang naipaabot sa kanilang report na attempted departure ni Guo mula sa Bureau of Immigration.
Sa katunayan aniya naghain pa ng mosyon si Guo para sa kaniyang kaso sa DOJ noong nakalipas na Biyernes kung saan inilakip niya ang isang Counter Affidavit na sinumpaan nitong notaryo noong Agosto 14, 2024. May mga napaulat na sightings din aniya kay Guo mula sa law enforcement agencies pagkatapos ng July 18 o panahon na ayon kay Sen. Risa ay nasa Myanmar na ang na-dismiss na alkalde.
Sa ngayon, inaantay pa nila ang opisyal na beripikasyon mula sa NBI kung tunay ang mga dokumentong galing umano sa kanila.
Sinabi din ni ASec. Clavano na sakaling nakaalis na ng bansa si Guo, kailangan ng masusing imbestigasyon para mapanagot ang responsable dito.