-- Advertisements --

Kinumpirma ng Department of Justice na sila ang magsisilbing kinatawan ng gobyerno sa pagdepensa sa petisyon na inihain sa Korte Suprema na kumikwesyon sa legalidad ng pag-aresto kay FPRRD ng International Criminal Court.

Sa isang panayam ay sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na naisumite na nila ang kanilang komento sa inihaing petitions for habeas corpus nina Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte, Davao City Mayor Sebastian Duterte at maging si Veronica Duterte sa SC.

Ayon sa kalihim , nabigyan na sila ng authorization ng Executive Secretary na sumagot sa subpeona ng Korte Suprema.

Una nang iginiit ni Solicitor General Menardo Guevarra na nananatili ang posisyon ng OSG na walang hurisdiksyon ang ICC sa bansa matapos na kumalas ito bilang miyembro noong 2019.

Maaalalang inaresto ang dating pangulo noong Martes ng nakalipas na linggo sa bisa ng arrest warrant mula sa ICC na isinilbi ng Interpol katuwang ang PNP.

Ilang oras matapos na maaresto ay kaagad na ipinadala sa The Hague, Netherland si Duterte para litisin sa kasong Crime Against Humanity.

May kinalaman ito sa umano’y madugong war on drugs ng kanyang administrasyon.

Tumanggi naman si Sec. Crispin Remulla na idetalye ang mga argumento na kanilang isinumite sa Korte Suprema.

Kaugnay nito ay ipinag-utos ng Supreme Court sa mga petitioners na sina Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte, Davao City Mayor Sebastian Duterte at Veronica Duterte na magkomento sa loob ng limang araw matapos na maisumite ng DOJ ang kanilang sagot sa inihain ng petitions for habeas corpus.

Kinumpirma ito ng tagapagsalita ng SC na si Atty. Camille Sue Mae Ting ngayong araw.