-- Advertisements --

Nangako si Justice Secretary Menardo Guevarra na magsasagawa ng imbestigasyon matapos na ibulgar ng isang forensic pathologist na ilang inisyung death certificates ng mga biktima sa kampaniya laban sa iligal na droga ang pineke umano para palabasin natural death ang ikinamatay ng mga ito.

Kaugnay nito, sinabi ni Guevara na kanilang iimbestigahan at uusigin ang mga responsable sa pagpalsipika ng mga death certificate.

Ayon kay forensic expert Raquel Fortun na siyang sumusuri sa mga labi ng mga drug war victims simula pa noong Hulyo ng nakalipas na taon, kaniyang iprinisenta ang kaniyang findings matapos ang pag-iimbestiga sa 46 indibidwal na napatay sa unang taon ng war on drugs campaign ng Duterte administration.

Mula sa 46 na ito, mayroon aniyang isang death certificate ang nawawala at maraming iba pang mga certificates ang hindi kumpleto ayon kay Fortun.

Nakalagay daw sa pitong death certificates na natural death ang ikinamatay ng mga biktima gaya ng sepsis, pneumonia at hypertension.

Batay sa analysis ni Fortun sa mga bangkay, lumalabas na nasa 32 mula sa 46 namatay ang mayroong gunshot wound kung saan nasa 24 sa kanila ang may tama ng bala ng baril sa ulo.