Nangako ang Department of Justice (DOJ) na magiging “independent at objective” ang gagawin nilang pagrepaso sa Anti-Terror Bill.
Kasunod na rin ito ng kabi-kabilang panawagan mula sa iba’t ibang mga sektor na ibasura na ang kontrobersyal na panukalang batas.
“We’ll review the proposed anti-terrorism bill as independently and objectively as possible, with only the security of the nation and the civil and political rights of the people in mind,” pahayag ni DOJ Sec. Menardo Guevarra.
Pinasusumite rin umano sa ahensya ang kanilang komento tungkol sa panukalang batas sa tanggapan ng Pangulong Rodrigo Duterte sa Miyerkules, Hunyo 17.
Noong Hunyo 3 nang aprubahan ng House of Representatives ang bagong anti-terror bill, na naglalayong palakasin pa ang puwersa ng gobyerno laban sa mga pinaghihinalaang terorista.
Nagpasa na rin noong Pebrero ng kaparehong panukala ang Senado.
Sa kabila nito, nagpahayag ng pagkabahala ang ilang mga kritiko dahil sa kalabuan at ilang mapanganib umanong mga probisyon ng naturang proposed measure.